Oo, sige, aaminin ko na. Pumasok na naman ako sa isang relasyon. Akala ko hindi ko kaya, akala ko hindi dapat, pero wala akong magawa. Ganun kalakas ang epekto niya sa'kin, ganun ako tinamaan sa kanya, na nakaya kong lampasan ang sakit na katatapos lang. Akala ko hindi ko makakaya, akala ko pahahabain ko lang ang ilang-linggong taguan at ligawan, pero bibigay rin pala ako. Mahina ako, at nakuha niya ako.
Aaminin ko rin, sandali pa lang kami, wala pa nga atang isang linggo, pero medyo nahihirapan na rin ako. Kapag kinakausap ko siya, madalas hindi kami magkaintindihan. Oo, marami kaming mga bagay na parehong gusto, pero madalas rin ang miscommunication. Pero gaya ng natutunan ko sa nakaraan relasyon, normal lang naman 'yan.
Matagal na rin siyang nasa buhay ko, mag-iisang taon na. Pero ngayon lang niya pinadama ang pagmamahal niya sa'kin, kahit na alam ko sa sarili ko na noon pa man mahal ko na siya. Oo, kahit meron pa akong ka-relasyon noon, pinagtutuunan ko na rin siya ng pansin. Alam ko na rin sa sarili kong mahal ko siya. Minsan naiisip kong mali, pero naiisip ko na lang, ano bang mali sa pagmamahal?
Sandali pa lang kami, pero medyo nahihirapan na rin ako. Kumplikado ang sitwasyon namin, hindi ko maipaliwanag. Kaya 'to. Kakayanin. Alam ko namang kahit anong mangyari, maganda ang kakalabasan ng relasyong 'to. Handa kong pagtrabahuhan, dahil sa huli para sa ikalalago ko rin naman ito.
Mahal ko siya. Minsan iniisip kong hindi, pero alam ko naman sa loob-loob mahal ko talaga siya. Minsan naiisip ko rin kung mahal nga ba talaga niya ako. Pero habang lumalaon ang araw pinapatunayan niya sa'kin na kahit mahirap ang sitwasyon namin, mahal niya talaga ako.
Mga friends, mga multiply contacts, mga mambabasa, gusto kong ipakilala sa inyo, si Timmy...
...ang aking Time-Consuming Thesis. 1 week na kame!!! Hindi ko alam kung hanggang kailan kami tatagal, kung forever na ba talaga 'to, pero sana in two months' time break na kami, please Lord! Ayoko nang patagalin pa!
Hehehehehehehe.