Pwede kong i-post na lang ang ilang lyrics ng mga kanta na umaayon sa nararamdaman ko ngayon. Binibilang ko na nga yung mga kantang may lyrics na saktong-sakto, tagos na tagos. Kagabi nanood kami ng mga kaibigan ko ng gig ng Sabado Boys, kung sa'n halos lahat ng mga malulungkot na kanta nila, tinamaan ako. (Ano ba naman ang makukuha mo pag pinagsama mo sina Jimmy Bondoc, Paolo Santos at Top Suzara kundi 'yon) Naiiisip ko na nga ang mga linya sa tula ni Pablo Neruda na sinalin sa Tagalog at pinamagatang Awit ng Pag-Ibig XX -- "Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na berso ngayong gabi..."
Pero alam ko kahit anong sulat at research ko ng mga old sappy love songs and poems, walang tatapat at suswakto sa nararamdaman ko ngayon. Higit sa lahat, alam kong kahit anong sulat ang gawin ko, wala itong magagawa para maibsan ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
Sa totoo lang, hindi pa sya nagsi-sink-in sa'kin. Malamang dine-deny ko pa sya. Hello, nakukuha ko pang tumawa (although coping mechanism ko talaga yan). Pero hindi ko pa naiiiyak 'to nang bonggang bongga. Hindi pa sya tunay sa'kin. Oo hindi ko na masyadong hinihiling na bumalik pa sa dati, pero hindi pa rin sya lubusang nagiging totoo para sa'kin. Sa madaling salita, nasa gitna pa rin ako. Sa pagitan ng sakit at pagkamuhi, pagtanggap at pagdadalamhati.
At alam ng maraming tao na hangga't maaari, ayoko sa lugar ko ngayon.
Hindi ko alam kung alin ang parteng pinakamasakit. Dahil ba minahal ko sya nang dalawang taon o higit pa? Dahil ba siya ang kauna-unahang taong minahal ko nang ganito? Dahil ba sa dahilan nya ng pag-alis? O baka naman dahil hindi ko inexpect 'to?
Ewan, ewan. Hindi ko alam. Lahat sila masasakit at varying levels. Basta the point is, masakit silang lahat.
At hindi ko inasahang masasaktan ako nang ganito, sa ganitong tao, sa ganitong sitwasyon, sa ganitong paraan. Masyado nang maraming sakit ang naidulot sa'kin noon, pero wala atang kukumpara sa sakit ngayon. Ang sakit sakit sakit niya. Hindi sapat ang salitang 'sakit' para ipakita kung gaano ako nasaktan. Hindi sapat ang basta salita para iparating ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
Sabi ko nga, walang sasapat, walang tutugma, walang sasakto.
Pero susubukan ko pa ring isulat. Susubukan ko pa rin iparating ang nararamdaman ko. Heto ako eh, isa akong manunulat. Lahat ng bagay na dumadaan sa buhay ko, ni masaya o malungkot, masakit o maginhawa, pangit o maganda, gusto ko naisusulat ko para naitatatak sa alaala. Wala akong ibang alam na paraan ng pag-alala kundi ang pagsulat. At siguro sa pagsulat maitatatak ko sa damdamin ang sakit. Para sa susunod na mangyayari, alam kong napagdaanan ko na'to at kaya ko itong lagpasan muli.
Sa totoo, hindi ko alam ang gagawin ko ngayon. Kung tutuusin, sino ba'ng tao na nasa sitwasyon ko ang alam ang gagawin nya. Pero sabihin na nating gumuho ang mundo ko, bumuka ang lupa at nilamon ako nang buong buo. Haha. Exagg na kung exagg, pero parang ganun ang nangyari. Walang wala ako ngayon. Hindi ko alam kung sa'n ako pupunta, kung sino na ba ako, kung ano pa bang mangyayari sa buhay ko. Sabihin na nating ayoko muna siyang isipin ngayon. Tsaka na, kapag nalampasan ko na lahat ng sakit na'to.
Nakakagago lang kasi ang kabalintunaan ng sitwasyon. Nangyari pa sya sa panahong sobrang ramdam ko na mahal na mahal ko sya. Nangyari sya sa panahong alam kong nag-mature na ako kahit papa'no sa relasyon namin. Nangyari sya pagkatapos na pagkatapos kong makakita ng isang shooting star sa unang pagkakataon sa tanang buhay ko, at hiniling kong sana'y magtagal kami habambuhay.
Naririnig ko na ba ang "Ironic" ni Alanis Morisette? Hahaha. Sing it with me! =)) Seryoso, wala na atang kabalintunaan ng buhay ang tatalo pa diyan.
Nakakagago sya. Hindi ko inasahan 'to. Not at all. Andami ko pa ngang ginawa para malibre ang latter part ng sembreak, dahil alam kong late matatapos ang semestre nya. Binukod ko na ang isa't kalahating linggo para sa kanya. Fully booked na'ko kahit pa wala pa kaming plano kung sa'n pupunta o magliliwaliw. Matagal na naming sinasambit pareho, "dalawang linggo na lang; isang linggo na lang..." Para sa kanya 'tong panahong 'to, gaya ng para sa kanya ang bawat libreng oras ng buhay ko.
Hindi ko alam na para sa ibang bagay pala ang countdown na 'yon. Sana man lang may clue, pero wala eh. It's over even before I knew it has the possibility to come out like this.
Hindi ko rin maintindihan pero ang isa pang pinakamasakit ay 'yung fact na wala namang nangyari. Hindi kami nag-away, wala akong nagawang mali, wala siyang nagawang masama. Basta't nawala na lang. Bigla na lang "it's not working anymore." Haha. Ipiprint ko 'yang statement na 'yan at ipapa-frame ko, para mapaalalahanan ako araw-araw ng kagaguhan ng rason na 'yan.
Kung tutuusin, maayos na maayos kami. Oo, nag-aaway kami, pero dumadating naman sa punto na naaayos. Parte naman ng relasyon yun, at sa dalawang taon ba naman namin magkasama eh ewan ko na lang kung hindi pa kami sanay sa mga away namin. Lumabas pa kami the day before, although pakiramdam ko pinagbigyan nya lang ako nun. Okay naman kami eh, pero sya hindi na ata okay sa "kami." Hindi ko inakalang siya pa ang bibitaw. Maraming beses akong gustong umalis na noon, pero 'di ko kinakaya, bumabalik talaga ako.
Hindi ko nakitang kaya niya akong bitawan. Nang ganun ganun na lang. Dahil sa isang estupidong rason na "it's not working anymore." Well if it's not working, fix it, diba?!
Hindi ko na alam kung pa'no ko tatapusin 'to. Marami na'kong nasabi at marami pang gustong sabihin, pero hindi matatapos 'to hangga't hindi ko bibigyan ng katapusan. Magluluksa ako sa mga susunod na araw, dadamhin ang pighating siya lang ang makapagdudulot sa'kin. Pero pangako ko sa sarili kong tatayo ako at magpapakabuti. Hindi ako matitinag ng iisang tao lang. Nabuhay ako ng dalawampung taon hindi para sirain lang ng taong pinakamamahal ko. Tatayo ako, babangon at magpapakatibay. Sabi nga ni Ate Gretch, "Resilient ata 'to!" Hahahahaha.
Nanghihinayang ako na hanggang dito na lang ito. Pero hindi ako nanghihinayang sa dalawang taon ng pagmamahalan at tatlong taon pa ng pagkakaibigan. Hindi ko naiisip noon, pero siguro, dito nagtatapos ang silbi ko sa buhay nya. Mahal ko pa sya, mahal na mahal. At hindi ko alam kung mapapakawalan ko pa ang pagmamahal ko na 'yon para sa kanya. Pero nagpapasalamat ako, gaya nga ng sabi ni Tita Ebel, na minsan sa buhay ko alam kong may nagmahal sa'kin nang totoo. Hindi nga nagtagal gaya ng gusto ko, pero nagpapasalamat pa rin ako.
Kung dito magtatapos ito, tatanggapin ko. Mahirap, mahirap na mahirap, pero tatanggapin ko. Kung hanggang dito na lang, hanggang dito na lang. Paalam...